Friday, May 23, 2008

Hello Telepono

“Uy, gagamitin ko muna ‘yang phone. Maya na lang kayo mag-usap.” Tumayo si Monica at binuksan at TV.

Ako naman ang umupo sa puwesto niya. Hawak-hawak ko ang aking selepono habang dina-dial ang mga numerong 893-7444.

Ring.

Ring.

Ring.

“Hello, puwede po ba kay Gian?”

“Ano, mamaya ka na lang tumawag. Magluluto pa ako ng merienda ko.”

“A ganoon ba?” Napatawa ako ng kaunti. “Sige, tawag na lang ako mamaya.”

Agad kong binaba ang telepono. Kumakabog ang dibdib ko at nanginginig ang kamay. Sinampal ko ang sarili ko. “Aray, ang sakit”

Tumingin sa akin si Monica at tumatawa. “O ate, baliw ka na ba? Bakit mo sinampal sarili mo?”

“Adik. ‘Wag mo na lang akong pansinin. Gusto mo rin ng sampal?” sabay ngiti sa kaniya.

Bumalik sa isip ko ang mga nangyari kanina. Tinawagan ko si Gian. Sumagot siya at sinabing magluluto siya ng merienda. Binaba ko na rin ang telepono. Tapos, sinampal ko ang sarili ko ng walang dahilan. Teka, parang may mali sa nangyari.

Anak ng tinapa at hudas! 6:37pm na pala at sinabi niyang magluluto siya ng merienda? Gago ‘yun a, sinong matinong tao ang magluluto ng merienda ng ganitong oras? Pakshet, naloko na naman ako. Nagtanga-tangahan na naman ako. Hindi ko na dapat binaba ang telepono. Dapat sinabi ko na sa kaniya ang gusto kong sabihin.

Kung hindi ko nga lang siya pinigilan sa kabaliwan niyang magluto ng merienda sa gabi, ganito sana ang usapan namin:

“Hello Gian, ‘wag mo munang ibaba, may sasabihin ako sa’yo. Promise, saglit lang ‘to”

“O, ano nga ‘yun?”

“Prangkahin mo ako, iniiwasan mo ba talaga ako?”

Walang sasagot. Tahimik. Tinig lamang ni Kris Aquino sa Wheel of Fortune ang maririnig.

“Bakit mo naman natanong ‘yun?”

“Basta, sagutin mo na lang tanong ko”

“Oo, hindi ba halata?”

Pipisilin ko ang selepono na hawak. Kahit matigas at masasaktan ang kamay ko, hindi ko iindahin ang sakit.

“Bakit? Ano bang ginawa ko sa’yo to deserve this?”

Bibitawan ko na ang aking selepono, ‘yung kobre naman ng sofa namin ang pipisilin ko.

“Are you nuts? Wala na tayo. Wala ng dapat pag-usapan.”

Nuts ka din. Kasing kunat ka ng mga maning tintinda sa labas ng MRT Station sa Magallanes.

“Fine. Sana lang hindi mo na’ko pinaasa na magiging friends pa tayo after that break-up. Siguro naman alam mo ‘yung feeling na pinapaasa.”

“Oo na”

“Sige na, ba-bye”

Ibababa ko na ang telepono. Hindi ako iiyak. Hinding-hindi ako iiyak sa kaniya. Matapang ako, kaya kong i-handle ‘to. Nangyari na naman sa akin ito dati, dapat matuto na sa pagkakamali.

O diba? Mala-Telenovela sana ang naudlot na pag-uusap namin. Buwisit kasing merienda ‘yun e, KJ ba.

Heniwey, wala na akong magagawa sa nangyari. Uupo na lang ako dito at manonood ng Wheel of Fortune. Siguro mamaya matatawagan ko siya uli, pagkatapos kaya ng Dyesebel? Bahala na nga, lalaitin ko muna mga contestant dito. Ang dali-dali lang naman ng pinahuhulaan, Proper Name, obvious naman ng Department of Agriculture ‘yung sagot.

“O ano ate, ako naman ang gagamit ng phone. Alis ka na diyan.” Tumayo ako at umupo sa kabilang dulo ng sofa.

Buti malamig ang sofa.

0 Comments:

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]

<< Home