Break na Nga
Napaupo ako sa tabi niya. “Ano, break na ba talaga?”
“Yeah. I’m sorry talaga.”
“Sus! ‘Wag ka ngang mag-sorry diyan, ako dapat mag-sorry. Adik”
Gago! Akala mo wholehearted iyang sorry ko? Ngek Ngek mo, kulang pa ‘yung sorry mo sakin! Adik ka talaga!
“A ganoon ba.” Tumingin siya sa kanan.
Hindi ko na siya sinundan ng tingin, baka kung ano pa magawa ko sa mukha niya.
Tumayo siya at tumingin sa akin. “Alis na’ko, may project pa akong tatapusin, saka may exam pa’ko sa major ko bukas. Kita-kits na lang sa campus.”
Sige, umalis ka na diyan sa harap ko. Iwanan mo ako dito. Ganiyan naman talaga gusto mo e, makita akong kaawa-awa, parang kuting na iniwan ng nanay. Phew, magsama kayo ng pinakamamahal mong project. Kahit ano pang tiyaga na ilagay mo diyan, pasang-awa pa rin makukuha mo!
“A ok, sige. Kita-kits na nga lang.” Napangisi ako sa kaniya.
Talagang magkikita tayo dahil hindi pa ako tapos sa’yo. Sana sa pagkikita natin iyon ay makonsensiya ka sa ginawa mo sa’kin. Oo, makokonsensiya ka dahil maiinggit ka na makita mo ako kasama ang aking bagong syota. Aba, marami yatang nagkakagusto sa’kin. Akala mo ikaw lang lalaki sa mundo ko? Utot mo!
Pero kahit anong galit o poot pa ilabas ko, hindi ko pa rin magawang kalimutan ‘yung good side niya. Mabait siya talaga kaso may pagkatanga nga lang. Siguro bitter lang ako dahil ipinagpalit ako sa isang bagay na hindi naman talaga dahilan: Acads. Ayokong sabihin na ang bobo naman niya para hindi mapagsabay ang acads at ako. Pero sadyang ganoon talaga ang buhay, may kailangan tayong piliin, at sa pagpiling iyon, mayroon talagang maiiwan at masasaktan. Sa kaso ko, ako ‘yung sawimpalad na naiwan at nasaktan.
Anyway, nagiging bitter lang talaga ako sa mga nangyayari. Masyado kasing mabilis. Wish ko lang ganoon din siya kabilis makalimutan.
Pero hindi. Kahit magka-amnesia pa ako at iuntog ko ang sarili ko sa pader, wala pa ring epekto.
Kahit mabundol pa ako ng maraming trak sa highway, wala pa ring epekto.
Kahit lunurin ko pa sarili ko sa muriatic acid, lysol, o gasolina (na mahal na talaga ang presyo), wala pa ring epekto.
Kahit magpakapagod pa ako sa kung anu-anong strenuous activity, wala pa ring epekto.
At kahit magpakamatay pa ako at mapunta sa langit, palalayasin din ako ni San Pedro dahil wala pa ring epekto.
Syet, wala na yata talaga akong magagawa.
Bakit ba kasi hindi ganoon kabilis makalimot sa isang tao? Hindi naman siya ganoon ka-importante para hindi kalimutan. Mas importante pa nga sa kaniya ‘yung mga kinakabisa ko ka sa Anthropology pero ‘yun, mabilis kong nakakalimutan.
Hay naku, ayoko na siyang isipin ngayon. Ang dami ko pang exam bukas, nakalimutan ko pa dahil sa kaniya. Ang galing niya talaga tumayming, brokenhearted ako habang nag-aaral. Kahit ganito pa kondisyon ko ngayon, kailangan pa ring mag-move-on. Nadadaan naman ang mga bagay sa Step-by-Step system. Sa pamamagitan ‘nun, baka maka-move-on din ako sa kaniya.
Tama na nga, naluluha na naman ako, kahit sinabi ko na bawal umiyak sa kuwento ko.
0 Comments:
Post a Comment
Subscribe to Post Comments [Atom]
<< Home