Wednesday, May 21, 2008

Kumukurap

Kumukurap ang ilaw.

Alam kong gabi na pero hindi ko mapigilan ang aking sarili sa pag-type. Gusto ko na talagang matulog para naman makagising ako ng maaga bukas. Gusto ko rin kasi mapanood ang Doraemon. Alam kong ang jologs ko pero natutuwa talaga ako kapag nakikita kong may kakaiba na namang gamit si Doraemon. At akalain mo iyon, nagkakasya sa isang maliit na puting bulsa na nakadikit kay Doraemon.

"Buti pa si Doraemon napapasaya ako", naisip ko.

Sabi sa akin dati diskarte lang ng tao kung paano niya papasayahin ang kaniyang sarili. Kung hindi ka madiskarte sa buhay, tiyak na hindi ka rin sasaya. Kahit ano pang babaw ng tawa mo o halakhak kung hindi ka naman marunong sa buhay, e wala ring kwenta.

At napatunayan kong totoo iyon.

Sa isang makasariling hangarin, nag-iba ang mundo ko. Nanggulo nga ba talaga ako ng buhay ng ibang tao? Ang gusto ko lang naman ay ayusin ang mga bagay sa pagitan namin. Hindi ko inaasahang magkakaganito siya. Sa di-inaasahang pagkakataon. Laging biglaan. Laging paspasan.

Now you want to be free
So I'm letting you fly
"Cause I know in my heart, babe
Our love will never die, no

Lagi kong naiisip ang lyrics na iyan. Hindi ba't pareho naman nating ginusto ito? Hindi ba't pinagkasunduan na natin ang mga dapat pagkasunduan? Hindi ba't nangako ka?

Binawi mo na nga lahat sa akin e, tapos ako pa ang mali ngayon. Nakakapanlumo talagang isipin, lagi akong talunan. Lagi akong walang diskarte.

Sana may gamit si Doraemon na makakapgpaintindi sa'yo ng lahat ng sinabi mo sa akin. Ngunit natapos na ang lahat. Tapos na ang lahat sa atin. Wala na ang pangakong pagbabalik, Wala na.

Sawa na ako sa pagiging makasarili ng mga tao

Tinatakasan mo nga ba talaga ako? Kinalimutan mo na nga ba ako? Kasi ako natatanga na naman, naghihintay sa wala. Pinigilan ko ang sarili ko sa pagluha dahil bawal umiyak sabi ng propesor ko. Kuwento nga lang naman ang buhay, at isang cliche ang pag-iyak.

Hindi ko alam kung matatandaaan mo pa ako kapag nagkita tayo uli. Papansinin mo kaya ako? Wala naman akong naging kasalanan sa'yo kaya wala ako dapat ikabahala.

Pinili natin ang mga landas na ito. Tayo ang nagdesisyon. Ang hirap nga magsabi sa mga tao, kailangan pang magsinungaling. Sa tingin ko, kailangan ko ng tigilan ang pagsisinungaling na "Ok lang kami", wala namang naidudulot na maganda.

Hiling ko lang, mapagbuti mo pag-aaral mo.Iyan lang naman ang makakapagbigay-ginhawa sa'kin pagkatapos ng lahat. Iyan din naman ang gusto ko para sa'yo.

Pagbutihin mo. Hayaan mo, wala ng sagabal sa'yo. Nasa'yo na lahat ng oras na kailangan mo.

Naalala ko so Doraemon uli. Oo nga pala, gigising ako ng maaga para mapanood iyon.

Kumukurap ang ilaw. Gusto ko ng pumikit.

Baby believe me it's only a matter of time

May 16, 2008

0 Comments:

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]

<< Home